Kailan ka ba matututo ng disiplina? Kailan ka ba matututong sumunod sa patakaran? Nasa loob ka na ng simbahan, pari na ang nakiusap sa iyo, pero sarili at panglalamang pa rin ang nasa isip mo. Hindi ba sinabi na pumila ng ‘row by row’ o ayon sa hanay ng upuan? Sinabi naman iyon sa Ingles at sa Tagalog. Mahirap bang intindihin at gawin yun? Nang hindi ka sumunod sa unang beses, nakiusap muli ang pari. Pero ano ang ginawa mo? Parang wala kang narinig. Biyernes Santo, nasa harap ka ng Panginoon, kinatawan niya ang kumausap sa iyo, pero hindi mo iginalang.

Pumipila ka para humarap sa krus ni Hesus na namatay para sa iyo, tapos ito ang ipinakita mo sa kanya? Sana naman ngayong Pasko ng Pagkabuhay ay muli ring mabuhay sa iyo ang tunay na diwa ng pagiging isang Kristiyano. Hindi lang ito tungkol sa pagdadasal at pagsisimba. Ang mahalaga ay ang pakikitungo sa kapwa. Natutuwa ka ba na nakapang-lamang ka? Oo, marami kang naunahan sa pagharap sa krus ni Hesus, mga taong matiyagang naghintay ng kanilang tamang pagkakataon. Natuwa ka siguro doon. Pero sa tingin mo, natuwa si Hesus sa iyo?

Advertisements